Ngayon na lamang ulit ako magsusulat sa wikang Filipino. Pinipilit kong sanaying magsulat sa wikang banyaga upang maipaalam sa buong mundo sa pamamagitan ng lengguwaheng unibersal ang aking mga saloobin, obserbasyon at opinyon. Subalit, sadyang hindi kayang iparamdam sa sanaysay na ito ang aking tunay na nararamdaman kung hindi sa sariling wika ito isusulat. Mas maipaparating ko ito ng buong-buo.

Kaya heto na… kamakailan lamang, halos gusto ko nang iluwa ang aking pagiging Kristiyano at ipaglaban ang aking paniniwala at prinsipyo sa pamamagitan ng dahas at maanghang na pananalita laban sa mga mapang-api at walang kakwenta-kwentang mga taong sana’y magbibigay hustisya sa mga taong nangangailangan nito. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit hindi matuto-tuto ang mga Pilipino. Ang ibang minsa’y nasubsob sa ilalim at nagsimulang umangat ay tila kinalimutan na ang nakaraan at napakadali nang tapak-tapakan ang mga taong nasa ilalim na nila.

Bakit may mga taong pilit lamunin lahat ng ganid upang kamalin ang umaapaw na kapangyarihan kahit na wala ng ilulugar sa kanilang busog na busog na tiyan na punong-puno ng kasamaan? Kung sino na ang wala sila pa ang kukuhanan samantalang wala nang ilulugar ang mga kung ano-anong nasa kanila na.

Ang batas ay nilikha upang magkaroon ng kaayusan sa isang partikular na komunidad. Ang mga ito ay nilikha ng mga taong may hustong kaalaman upang mapaigting ang kapayapaan ng lugar. Ito ay dapat na sinusunod at ang lumabag nito ay haharap sa karampatang parusa. Ngunit paano kung ang mismong mga gumawa ng mga batas ang hindi sumusunod sa mga ito at sa katunayan, mismong ang kabaligtaran nito ang kanilang ginagawa? At dahil nga sila ang nasa kapangyarihan, ang mga binalikong mga batas ay siya na ngayong tama. Nakakalungkot naman na kung sino ang sumusunod dito ang siya na ngayong pinarurusahan. Ano na ngayon ang hustiya kung ang mismong nararapat na maging modelo sa pagsunod dito ay lalabag at babaligtarin ang sistema? At mas lalong mahirap sagutin ay paano kung ang mga gumawa ng batas ay hindi naman pala kwalipikadong gumawa ng mga ito? Sa madaling sabi, kung ano lang ang maisip, iyon na ang batas na dapat sundin. Kung ayaw na ang ginawang batas basta burahin at kalimutan na lamang at sundin ang bagong naisip. Parang awa niyo na, pakihanap kung nasaan ang hustisya rito!

Tinuro kasi sa Kristiyanismo na dapat ay matutong magpatawad at hayaan ang Poong Maykapal na Siyang magbigay hustisya sa mga nabiktima at parusahan ang mga masasama at nagkasala. Ngunit likas sa tao na hanapin ang kanyang karapatan lalo na pag ito’y niyuyurakan. Gusto ko talagang buong lakas na sugpuin sa sariling lakas ang mga akala mo kung sinong magagaling ngunit hindi naman patas sa pagbigay hukom sa mga tao. Pilit pa ring inilalagay ang sariling interes kaysa sa interes ng nakararami ang pinaiiral. Ganitong-ganito ang pinag-uugatan ng korupsyon sa ating bayan. Kasakiman. Kaswapangan. Walang sawang pagkamal para sa sariling benepisyo.

Imbis na tinutulungan at sinusuportahan ang mga nagsisimula at nais umunlad, sisirain at hihilahin pabagsak ang mga ito. Anong klaseng tao ang hindi wala ni pakialam o kagustuhang umasenso ang kapwa nila? Anong klaseng tao ang nais lamang na kagustuhan lamang niya ang manaig at makuha ang nais niya samantalang naghihikahos ang sana’y kasamang nagtagumpay na rin? Nasaan na ang hustiya? Pati ito’y ninakaw na nila.

Ngunit matapos ang ilang saglit na halos maiangat ko na ang impiyerno, pumasok sa aking isipan na hindi pa rin ito ang solusyon. Nakalulungkot man ang sinapit ngunit hindi pa naman nagtatapos ang daigdig sa iisang pangyari. Kahit tuloy-tuloy pa man ang pagsabog ng hindi pagkakapantay-pantay ay naroon pa rin ang panahon kung saan ang mga nasa ilalim ay tataas din. Hindi natatapos ang laban sa isang talo. May mga susunod pa at dapat itong paghandaan ng mas mabuti upang mas lalong lumakas. Darating din ang panahon at ito’y aanib sa nilapastangan na sa kahit anong lakas ng kalaba’y wala itong magagawa kundi ang sumuko. Matapos ang saglit na iyon ay bumalik pa rin ako sa riyalidad na isa pa rin akong Kristiyano.

Mas mabuting pagmukaing tanga kahit ika’y nasa katwiran kaysa isang mapagpanggap na nagdudunong-dungan ngunit isa lang palang matandang mangmang.

Leave a Reply