Ang Nakalalasong Amag sa Tinapay

Upang matahak natin ang ating layunin sa buhay, marami tayong kailangang hakbangin sa hagdanan ng kaunlaran. Gayundin, marami tayong mga pagsubok na daraanan upang makamit ito. Hindi ba napakasarap sa pakiramdam ang matamo mo ang iyong pinaghirapan matapos ang matitinding pagsubok? Kahit gaano kaliit o kalaki ang iyong planong abutin, kapag natamasa mo ito, isang malaking ginhawa ang papasok sa ating katawan. Ngunit paano kung ika’y naluklok na sa pangarap mong estado sa buhay? Dahil mas malayo na ang narating mo sa iba na maaaring nagsisimula pa lamang, iba na ang pamantayan mo sa buhay. Dito nagkakaroon ng problema. May katotohanan din ang sabi-sabi na kapag ika’y nasa tuktok na, nakakalimutan mo ang nasa ilalim mo.

Personal kong nasaksihan ang indirektang sapilitang pang-aalipin ng mga nasa taas sa mga taong nasa ilalim nila. Sang-ayon naman ako na dapat may mas nakakataas sayo o may mga posisyon na pagpipilian base sa kaalaman at karanasan. Ngunit sukdulan akong hindi sang-ayon sa pang-aabuso ng mga nasa taas sa mga tao sa ibaba nila. Ganoon ba talaga kapag ika’y mas makapangyarihan kaysa sa iba? Sadya bang hindi maiiwasan ang tukso nang kapangyarihan?

Naniniwala ako na nilikha ang tao na pantay-pantay at may pare-parehas na karapatan at kalayaan. Hindi maaaring mas maraming karapatan ang isang taong mas mataas ang posisyon kaysa sa isang taong kinasasaklawan ng kanyang kapangyarihan. Sabi nga ni Marjorie Evasco, “We’re all the same. We all eat and we all shit.” May kaakibat na responsibilidad ang lahat ng tao ano man ang estado nito sa buhay. Isa sa pinakaimportanteng responsibilidad ng bawat nilalang dito sa mundo ay ang respetuhin and kapwa lalong-lalo na ang kanilang pagkatao.

Kaya naman ganito na lamang ang aking pagkamuhi sa mga taong pilit na nang-iipit at nang-aalipusta nang kapwa sa pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan at talikuran ang karapatan at dignidad ng kanilang kapwa kasama na rito ang kanilang mga tauhan. Tapos na ang giyera at pananakop ng iba’t ibang mga banyaga. Ngunit gaya ng kwento ni George Orwell na hango sa Stalinism, mismong mga ka-uri na natin ang nagpapahirap sa atin. At totoo iyon. Tumingin ka lang sa iyong paligid at makikita mo na kung ano ang sinasabi ko.

Marami sa atin ang pilit na kakapit sa patalim upang magtuloy-tuloy ang buhay sa mundong ito kahit ang naghihintay na kapalaran ay mapait at hindi patas. Hindi naman natin sila masisisi. Sa kabilang dako, mayroong mga tao na prinsipyo ang pinanghahawakan sa sarili. Isang bagay na hindi matutumbasan nang kahit anong salapi o suhol. Hindi naman ibig sabihin na ang mga taong kumakapit sa patalim ay walang prinsipyo. Ang prinsipyong tinutukoy sa isang ma-prinsipyong tao ay gagawin kung ano ang tama at iwawasto, hindi gagawin at hinding-hindi tutularan ang mali.

Dapat nating himukin ang bawat tao na kasapi sa ating komunidad o organisasyon na ipaglaban ang kanilang karapatan at dignidad. Kung sila’y natatakot at pilit na kumakapit sa patalim, walang progreso at hustisyang magaganap. Ang pagkapit sa patalim ay isang gawain upang makapagatuloy sa buhay ngunit siya namang tuloy-tuloy sa pagsugat sa kanilang mga sarili. Hindi lubusang natatamasa nang mga taong ito ang tunay na ibig sabihin ng kalayaan. Dapat nating sugpuin ang walang awa at ganid sa kapangyarihan at patalsikin sa pwesto ang ganitong mga tao. Hindi sila karapat-dapat sa posisyon na kanilang kinabibilangan ngayon. Kahit man isang pangarap at bagay na inaasam-asam mula sila’y bata lamang na mapabilang at makakuha ng isang mataas na posisyon, wala silang lugar para rito. Dapat sila’y nasa kulungan upang pagbayaran ang kanilang pagmamalabis at pagpapahirap sa mga taong kanilang nasa ilalim.

Kapag tayo’y magsasama-sama at pag-aalabin ang prinispyong maka-tao, sinisiguro ko na walang maaapi at walang sinuman ang susubok na manapak ng karapatan ng ibang tao. Wala nang matatakot pa na baka sila’y lalong saktan kapag itananong at inilaban ang karapatan. Tandaan natin, kakaunti lamang ang nasa itaas. Marami ang sama-sama sa ilalim. Gaya nang pagpapatalsik sa isang pangulo matapos itong mawalan ng suporta, ganito rin ang mangyayari sa iba pang mga pinuno na hindi kayang gampanan ng maayos ang trabahong iniatang sa kanya.

Gaya ng aking nabanggit, marami ang nangangarap mapunta sa itaas. Marami ang gustong mapunta sa isang maginhawang pwesto. Pero mas mataas ang pwesto, mas marami ang responsibilidad. Ang amag sa tinapay ay nakakalason sa taong kakain nito. Ngunit sa isang mundo na maraming nagugutom, pilit nila itong kakainin. Pero hindi ba kung isang parte lamang ng tinapay ang may amag, maaari naman natin itong tanggalin at kainin ang tinapay pagkatapos?

Advertisements

One thought on “Ang Nakalalasong Amag sa Tinapay

  1. Isang kahanga-hangang pag hahalintulad ng isang amag sa tinapay sa mga taong nasa mataas o mababa ang estado sa buhay !!
    salamat sayo sapagkat sapat na ito upang makatulong sa aking proyektong ginagawa !!

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s