Asal Binay at Kulturang Alipin

PALASAK na ang mga balita tungkol sa mga pa-VIP na ayaw pumila o mga naka-tinted na kotseng naka-convoy na ayaw ma-trapik kahit tanghali na bumangon. Kamakailan lang ay naisiwalat sa mga peryodiko, radyo at telebisyon ang video ni Mayor Binay na gumamit ng pagka-VIP upang masapawan ang mga alituntunin sa Dasmarinas Village at mangibabaw ang kanyang kapangyarihan. Siya ay nanaig. Pinuri ang mga guwardiyang pinairal ang mga polisiya sa subdivision at inulan naman ng batikos ang magaling na Mayor.  May iba pa bang tao bukod kay Binay ang ganito ang asal?

“Mayaman ako. May driver ako. May body guard akong may baril. Dito ako paparada.”

Alam naman natin na sa Kalakhang Maynila, partikular sa  Maynila, Makati, Taguig (BGC) at karatig pang mga lungsod, ay hindi madaling makakuha ng parking slot. Ultimo sa kalsada ka magparada, may bayad at oras ang pagpaparada. HIndi ka pwedeng lumagpas sa oras o sumobra ng parada sa linya na nakapinta sa sahig. Tiyak ito-towang kotse at ika’y pagmumultahin. Ikukulong ang iyong sasakyan hanggang ito’y iyong matubos at kung malasi’y mayroon na itong gasgas o sira pagkakuha mo sa impounding center.

At marami na ring naibalita patungkol sa pagpapatayan dahil lamang sa agawan sa parking slot. Hindi ba isang kahibangan na pag-awayan ang isang napakababaw na bagay?

Kapag nagpunta ka sa Makati, partikular na sa Ayala Center (Glorietta, Shangri-La, Greenbelt etc.), makikita mo na andami-daming MAPSA (traffic enforcer ng Makati/yellow boys), Ayala Center guards, pulis, kawani ng baranggay etc. Maraming nakabantay upang panatilihan ang kaayusan sa lugar. Hinuhuli nila ang mga hindi sumusunod sa batas-trapiko at mga pasaway.

Ngunit pansinin niyo kapag nagawi kayo sa may Rustan’s (Glorietta area, Couryard Dr. at Office Dr.) at sa gilid ng Glorietta 3 park sa tapat ng Shangri-La, nagkalat na nakapila ang mga magagarang mga sasakyan. Karamihan dyan ay mga Land Cruiser, Camry, Benz, Expedition, BMW etc. Nakapila na naghihintay. May mga driver ang iba, ang iba nama’y sadyang ipinarada na lang doon ang sasakyan. Makikita mong sinasaway sila ng mga enforcer ngunit hinahayaan lang naman din sila. May iba pa na nakaparada mismo sa may nakapaskil na “No parking/No stopping anytime. Tow-away zone.” Tignan nyo ang lugar na ‘yan lalo na sa gabi, kung kailan uwian na ang mga tao galingsa trabaho at sobrang trapik. Diyan mo makikita ang mga sasakyan na lalong nagpapalala sa trapiko.

Gayundin, pumunta kayo sa Little Tokyo sa may Pasong Tamo sa Makati. Mas grabe ang sitwasyon. Double parking sa magkabilang daanan. Makikita mo roon, sobrang trapik na talaga dahil ang sikip na ng kalye. Ang aangas pa ng mga pumaparada sa daan. Ibababa ang sakay sa gitna ng daan (karamiha’y mga Hapon). Hindi sila tumatabi. Hindi uso ang pagtabi at pag-hazard. Pagkatapos, mag-assist ang barker, mag-mamaniubra ng alanganin na halos masagi na ang ibang naperwisyong sasakyan. Hindi iyan magbibigay kahit alanganin siya. Minsan, mag-counterflow pa iyang mga iyan na hindi mo maintindihan. Mag-high beam pa.

Ang kabalintunaan sa dalawang pangyayaring ito ay: 1) Bawal talagang maghintay o pumarada sa daanan. Ito ay dapat sinusunod ng lahat; at 2) Ilang metro lang ay parking area.  Kadalasan, P45 ang unang 2 hanggang 4 na oras.

Ang hindi ko maintindihan sa mga taong ito ay kung bakit ayaw nila pumarada sa tamang lugar at kailangang doon sila sa kalsada. Samantalang ang mga ordinaryong mga tao ay sumusunod naman. Minsan nga’y ang mga ordinaryo at mga working/middle class ang napagbubuntunan ng power tripping ng mga pulis.

Anong gustong palabasin ng mga taong ito? Siguro nama’y hindi nila gagawing dahilan na wala silang pambayad sa parking. Aba’y kaya nilang bumili ng mga BMW at Land Cruiser. Ang dating lang sa akin, gusto nilang sabihin at iparating na: “Kaya kong pumuwesto kahit saan ko gusto dahil mayaman o makapangyarihan ako” at “Hindi ako madadaan sa mga pag-aresto at pagmulta dahil marami akong koneksyon at kaya kitang ipatanggal sa trabaho.” Marami pang ibang mga pahayag na ganyan ang konteksto.

Kaya kung tatanungin, marami bang katulad ni Binay na ganyan kahambog, power tripper at abusado sa kapangyarihan? Kung sa Glorietta at Little Tokyo pa lang, naku napakarami na! Paano pa kaya sa ibang lugar, hindi ba?

Diskriminasyon sa kapwa Pilipino batay sa yaman at pagiging dayuhan

 Isa itong halatang obserbasyon ko sa karamihan sa ating mga Pilipino. Malakas talaga ang colonial mentality. Naka-ilang restaurant na rin ang aking napuntahan kung saan may mga kasabay kaming mga dayuhan gaya ng Amerikano, Breton, Aleman etc. Kung mapapansin ninyo, parehas naman kayo (ikaw at ang dayuhan) na kostumer, parehas naman kayong magbabayad at magbibigay ng tip, ngunit mas inaasikaso pa ang dayuhan kaysa sa inyo. Mas uunahin pang kuhanin at ibigay ang order kahit mas nauna kayo sa pila. Mas maayos ang pakikitungo nila sa dayuhan kaysa sa kapwa nila Pilipino.

Naalala ko tuloy ang nobelang ‘Gapo (pinaikling Olongapo) ni Lualhati Bautista. Pinakita roon na talagang Pilipino mismo ang nagbibigay ng diskriminasyon sa kapwa nila Pilipino. Mas aasikasuhin nila ang mga Kano. Samantalang kinakalimutan nila at hindi binibigyan ng maayos o katumbas na serbisyo ang kapwa nila Pilipino. Tama ba naman ba ‘yon?

Sa palagay ko nga, hindi naman nanghihingi ng espesyal na trato ang mga dayuhang ito. Pilipino mismo ang lumuluhod at sumasamba pa sa mga ito. Hindi ba isa itong malaking katangahan?

Kitang-kita iyan araw-araw kung papansinin niyo lang. Sa Ayala na nga lang, lahat nag-underpass tuwing araw para makatawid sa kabila. May Amerikana na nagbukas ng gate sa tawiran sa Ayala upang tumawid. Alam naman nating tuwing gabi lamang ito binubuksan dahil kakaunti na ang mga dumadaang sasakyan. Imbis na hulihin at pagmultahin ang Amerikana dahil ito’y nag-jaywalking, aba’y tinulungan pa ito ng dakilang MAPSA! Pero kung Pilipino ang gumawa niyan, tiyak sigaw at multa ang aabutin niyan.

Ganyan din  kapag papasok ka sa mall (hal. MOA) o sa LRT/MRT. Lahat ng mga taong pumapasok sa mall o sa estasyon ng tren, tinitignan ang bag at kinakapkapan. Kapag Amerikano na, kulang na lang tanggalin ang lamesa para malaki ang daanan ng dayuhan papasok. Walang kapkap, ngingiti pa ang gwardya at babati ng “Good morning!”

Sariling kababayan, dinodorobo at binibiktima ng diskriminasyon.

May diskriminasyon din kapag mayaman, middle class o mahirap ka. Doon sa mga insidente sa Glorietta at Little Tokyo, palagay mo ba kung middle class na naka-Innova ang paparada doon, masisindak niya kaya ang MAPSA o ang pulis? Malamang siguro, isa na siya sa mga na-tow at kung malasi’y nakulong pa.

Iba ang nagagawa ng pera at kapangyarihan sa pagsasakatuparan ng mga alituntunin at batas. Kaya marami talaga ang nag-aasal Binay.

Gasgasan ang mga sasakyang hindi marunong pumarada sa tama!

Kadalasan, kapag ako’y nadadaan sa Pasong Tamo, gustong-gusto ko talagang gasgasan gamit ng piso o dulo ng cutter ang lahat ng sasakyan na nakabalandara sa kalsada na nagiging sanhi ng matinding trapiko. Ang dami ko ngang naisip gawin. Gusto kong hampasin ng baseball bat ang side mirror, i-spray paint ang body at tapunan ng pintura ang windshield at butasan ang mga gulong. Ang kakapal kasi ng mga mukha ng mga iyan! Hindi lang kayo ang tao sa Pilipinas. Kung gusto niyong magkalat ng sasakyan niyo, bumili kayo ng sarili ninyong Glorietta at Little Tokyo. Huwag ninyong idamay ang ibang taong gusto lang makauwi sa mga bahay nila.

Para sa mga nagpapaka-alipin sa mga dayuhan na iyan, tapos na ang pananakop ng Kastila, Amerikano at Hapon! Tapos na ang World War 2. Malaya na tayo. Huwag kayong maging MAKAPILI. Mas masahol pa ang ganyang ugali kaysa sa mga mananakop mismo. Aba’y kapwa Pilipino niyo na ang ginagago niyo. Huwag naman ganun.

Panghuli, ang batas ay para sa lahat. Sana gaya ng pag-apply sa US visa ang pagsagawa at pagsakatuparan ng mga batas. Noong ako ay nag-apply at nasa embahada ng US, ang mga kasabayan ko,: mayaman, kasambahay, matanda, bata, OFW na galing Japan, may syota sa US etc. Pero lahat dadaan sa proseso at tanging consul lamang ang magsasabi kung aprubado o hindi ang visa application. Nasa harap ko sa pila, congressman natin. Walang special lane, walang VIP treatment. Lahat pantay-pantay.

Tanggalin na natin ang Asal Binay. Kay Binay na lang ‘yan. Kasabay ng pagtanggal sa Asal Binay, itapon na rin natin ang Kulturang Alipin. Hindi tayo alipin ninuman. Malaya tayong mga tao na nakatira sa malayang bayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s