Puro mga datos ang labanan ng CHED at Tanggol Wika hinggil sa pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Dahil kumpleto na rin naman ang statistics, sisimulan ko ang sanaysay kong ito sa mga pinagtatawanang quotable quotes ni Melanie Marquez: [1]

  1. I don’t eat meat, I’m not a carnival.
  2. Why should I have a calling card? I’m not a call girl
  3. You can fool me once, you can even fool me twice, you can even fool me thrice. But you can never fool me four.
  4. Nikki, you’re so galing. You should go to the States. You will sell hotcakes!

Sadyang hinanap ko pa kung talagang totoo ang mga sinabi ni Marquez na kumakalat sa social networking sites. Halos lahat ng nabasa kong komento ay pinagtatawanan siya at ang iba’y nagsasabing tanga o bobo siya. Mismong news article pa sa ABS-CBN ang sanggunian ng mga kumakalat na memes ni Marquez.

Nakakatawa siya sa unang basa ngunit mapapatanong ka, ganyan ba ang batayan para sabihing matalino ka? Kailangan magaling kang mag-Ingles? Subukan mo na lang sumakay ng dyip at makipag-usap ka gamit ang wikang Ingles at papanoorin ka ng mga tao at sa gilid ng isipan ng ila’y intelihente kang nilalang.

Baliktarin naman natin ang sitwasyon. Sabihin natin na mali-mali ang pagbikas at pagbuo mo ng mga pangungusap sa wikang Filipino. Pagtatawanan ka kaya? Huhusgahan ka kayang mangmang? Siguro, wala lang reaksyon ang mga tao. Basta ang importante’y naintindihan nila ang gusto mong iparating sa kanila. Ngayon, balikan natin ang mga quotable quotes ni Marquez. Maiintindihan mo pa rin naman siguro ang gusto niyang iparating, di ba? Ginawan lang ng balita kasi sumablay sa Ingles.

Ano naman ang relasyon ni Melanie Marquez sa epekto ng CMO 20 sa bansang ito? Kung ngayon pa lamang mababa na ang tingin ng mga Pilipino sa wikang Filipino, paano pa kaya kapag nawala na ito sa kolehiyo? Malaki ang posibilidad na mas lalong sambahin ang wikang Ingles at tuluyan ng makalimutan ang Filipino. Nakikita na nga natin na malaki na ang puwang na dapat sana’y pinaglalagyan upang masanay at pagyamanin pa ang wika. Ngunit dahil wala na ito, wala ng reinforcement ang mga leksyon tungkol dito.

‘Di pagiging akma ng wika sa kurso

Maraming pilosopo ang nagsasabing, “Computer Science naman ang course ko, bakit pa kailangan ng Filipino?” Nabasa ko rin ang isa sa mga kolum ni Dr. Antonio Contreras ang isyu ng pagsasalin ng mga terminong teknikal na wala naman katumbas sa Filipino. [2] Halimbawa, isalin mo nga sa wikang Filipino ang “cellular automata” o “vulnerability management.” Tama namang walang mga katumbas ang mga salitang teknikal na nabanggit sa ngayon. Ngunit mayroong dalawang punto na importanteng dapat isaalang-alang.

Una, mas madaling matututo ang estudyante kapag ginagamit ang wikang Filipino (o wikang lokal/dayalekto) dahil wala ng code switching na tinatatwag. Napatunayan na itong argumentong ito sa iba’t ibang pahayagan kung saan ang isang hindi kilalang pamantasan sa Bicol ay nakakapagtala ng maraming pumapasa sa board exams sa engineering atbp. [3] Personal ko rin itong nararanasan sa pagtuturo lalo na kung mayroong tanong ang estudyante tungkol sa paksang aming tinatalakay.

Pangalawa, sa aking pananaw ay masyado pang bata ang ating wika kaya marami pa itong oportunindad upang lumago. Siguro’y wala pang katumbas ang mga salitang teknikal na iyan. Ngunit darating ang panahon na sa tulong ng mga eksperto sa wikang Filipino ay madagdagan ang ating bokabularyo sa mga teknikal na salita na sinalin na.

Mawawalan kasi ang mga propesor ng trabaho kaya sila nagwewelga

Ito naman ang sinasabi ng mga administrador ng iba’t ibang mga pamantasan maging ang CHED. Ayon nga sa statistics ni Prop. David San Juan ng DLSU, mahigit kumulang 10,000 full-time at 20,000 part-time na mga propesor ang mawawalan ng trabaho o mababawasan ng kita. Mababawasan ng kita o demotion ang kanilang kahihinatnan dahil ililipat ang iba sa grade 11 at 12. [6]

Tama namang sabihing isa sa mga dahilan ang sweldo. Wala na kasing magiging ranking pagdating sa grade 11-12 hindi tulad sa pamantasan. Ngunit ganoon na lamang ba dapat maging tingin sa mga propesor na ito? Pera lang?

Isipin na lang natin, sa dinami-dami ng kursong maaari nilang kunin, bakit naman BA Filipino/MA Filipino/PhD Filipino pa? Maaari naman silang kumuha ng kursong madaling kumita ng pera, hindi ba? Marami rin klaseng mga dalubhasa sa Filipino ang mayroon tayo. Mayroong mga dalubhasang para sa elementarya o high school. Mayroon din namang mga dalubhasa na para sa kolehiyo. Ang papel ng mga propesor sa Filipino ay hindi lamang magturo ng asignaturang Filipino. Mayroong silang misyon na paunlarin at pagyamanin pa lalo ang wika at kulturang Filipino.

Iba na ang tema na pinag-uusapan kapag nasa kolehiyo na at ang mga propesor na ito (mga PhD pa karamihan) ang humahawak ng pagpapalaganap ng Filipino. Gaya na lamang ng aking nabasang libro na bunga ng pagsasaliksik ni Dr. Fanny A. Garcia. Isa si Garcia sa mga pinakanirerespeto at iniidolo kong propesor. Sa isa sa mga bago niyang akda, “Pamilya Migrasyon Disintegrasyon” kanyang siniyasat ang buhay ng babaeng OFW sa Saudi Arabia at ang epekto nito sa kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Malaki ang kaugnayan ng kanyang saliksik sa nangyayari ngayon sa bansa natin sapagkat maraming mga OFW ang nawawalay sa pamilya. [4] Ngayon, ibabalik ko ang tanong, kung ililipat ang mga eksperto at mananaliksik sa grade 11-12, magkakaroon kaya sila ng panahon at pondo para makapagsaliksik ng gaya ng nabanggit? Sa palagay ko, mawawala lahat ng mga iyan at ito ang magiging mitya ng pagkabulok at paghinto ng agos ng wika at kulturang Filipino.

Academic Freedom ng pamatansan ang bahala kung may Filipino o wala

Nasa saligang batas ng Pilipinas (1987 Philippine Constitution) ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Ito ay nasa Artikulo 14, Seksyon 6: ” The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages. Subject to provisions of law and as the Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of official communication and as language of instruction in the educational system.” [5]

Ngunit iba ang sinasabi ng batas pagdating sa kolehiyo o higher learning. May kalayaang pumili ang mga pamantasan ng kanilang medium of instruction. Artikulo 14, Seksyon 5.2: “Academic freedom shall be enjoyed in all institutions of higher learning.” [5] Sa madaling salita, mga kolehiyo na ang bahala kung paano nila isasagawa ang mga curricula nila.

Maaari rin namang tignan ang academic freedom sa anggulong, “Dahil may academic freedom kami, lalagyan ko ng Filipino subject ang mga kurso sa aming pamantasan.” Ngunit dahil hindi na ito mandato ng CHED at sa palagay ng mga administrador na hindi kailangan ang Filipino, wala ng hakbang pa para ilaban ito. Para suportahan ang punto ko, bakit sa Malaysia at Indonesia, may asignatura pa rin sila sa wika pagdating ng kolehiyo? Gayundin, bakit ang mga pangunahing unibersidad sa US at maging sa mundo gaya ng Harvard, Yale at Stanford ay mayroong asignaturang Ingles pa rin sa kolehiyo? [6]

Problema sa identidad ng Filipino

Hanggang ngayon, nagtatalo-talo pa rin kung ano ba talaga ang wikang Filipino? Ito ba ay Tagalog? Paano naman daw ang Cebuano na dominante sa Visayas? Ano ba ang tama, kwaderno o notbuk? Kwiz o pagsusulit o quiz?

Naalala ko noon, tinuro sa amin sa high school na ang sari-sari ay mali dahil wala namang salitang ‘sari’ kaya nararapat na tanggalin ang gitling at gawing sarisari. Ngunit kamakailan lang, aking nakumpirma na nasa UP Diksiyonaryong Filipino ang sari-sari. Ano ba talaga ang tama? Pilipinas ba o Filipinas?

Napabili ako ng libro ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining at dekano ng kolehiyo ng Arte at Letra sa UP-Diliman, na pinamagatang “F_l_p_no ng mga F_l_p_no” at mas lalo akong natuto at naguluhan sa pabago-bago ng anyo ng mga salitang Filipino. Sobrang strikto ni Almario Halibawa rito ay ang hindi niya pagtanggap ng salitang ‘bentahe’ na dapat ay mainam’ o ‘tungkulin’ imbis na ‘responsibilidad.’ [7]

Ang punto ko lamang sa problema sa identidad ay mas lalong lalawak ang dami ng tanong dahil mawawala ang pag-aaral dito ng husto kung mawawala ang asignaturang Filipino. Sino na ang magtatalo-talo? Ang mga tanong ay maiiwang mga tanong na lamang. Sino na lamang ang magdadagdag at magsasaliksik upang dumami ang bokabularyong Filipino? Gaya ng sinabi ko sa naunang punto, masyadong bata ang ating wika para bitawan na lamang ng ganun na lang.

Wala sa Ingles ang pag-angat, nasa galing ‘yan

Marami na akong naririnig na mga taong naniniwala na kagalingan sa Ingles ang susi sa pag-angat at pag-unlad sa buhay. Naalala ko noong maliit pa ako, pinapabasa ako ng mga pahayagan at libro sa Ingles. Maganda naman at intensyong lumawak ang bokabularyo. Pero base sa aking karanasan, wala sa Ingles ang pag-unlad kung hindi nasa kahusayan sa espesyalisasyon mo.

Nagkaroon ako ng boss na Indiano. Barok-barok mag-Ingles at minsa’y ala-Melanie Marquez quotable quotes ang dating. Ngunit hindi naman namin siya tinignan na mangmang o walang alam. Magaling siya sa trabaho niya kaya siya ang naging boss namin. Mayroon din akong ka-opisina na Hapon, Pranses at Arabo. Nahihirapan silang magsalita ng Ingles pero ang tataas naman ng katungkulan nila. Hindi naman din consistent ang kanilang balarila na tama. Bakit naman sila napunta sa posisyon na iyon ‘di ba?

Sa madaling salita, hindi Ingles ang susi ng tagumpay. Maaaring katulong ang Ingles ngunit mas matimbang pa rin ang kahusayan sa trabaho.

Wikang Filipino: Paalala na tayo’y mga Pilipinong malaya

Isa sa importanteng layunin ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay ang pagmulat sa mga mag-aaral ng mga nangyayari sa tunay na buhay at kung papaano ito harapin. Talamak pa rin sa atin ang colonial mentality at ang halos pagsamba sa mga gawang banyaga o banyagang tao mismo. Hindi ko nga alam kung may “slave complex” tayong mga Pinoy na para bang kailangang bigyan ng espesyal na trato lagi ang mga banyagang ito kahit na nasa Pilipinas sila. Halimbawa na lamang ay ang pag-inspeksyon sa mga bag at pagkapkap sa mga taong papasok sa mall o MRT. Pansinin ninyo na kapag Pinoy ang papasok, normal na pag-inspeksyon ang ginagawa ng mga guwardiya. Pero kapag Amerikano na ang papasok, talagang VIP ang trato (hindi naman sa lahat ng pagkakataon), wala ng inspeksyon na gagawin at babatiin pa ng “Good morning sir. How can we help?”

Isa ang isyung ito sa maraming mga isyung tinatalakay at mahalagang layunin ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Hindi lang ito usaping wika kung hindi usapin ng pagiging Pilipino natin.

Sa huli, ano namang masama na magdagdag ka ng 3 hanggang 9 na units na Filipino sa kolehiyo. Hindi naman kabigatan sa bulsa ng magulang iyan dahil noon pa ma’y mayroon ng Filipino. Balakid ba ang Filipino sa ASEAN integration? Hindi ba ito’y magiging dagdag kaalaman para sa mga bisita nating mga banyaga? Kahit saan namang bansang may sariling wika, kailangan mo rin naman itong aralin.

Hindi direktang magkakaroon ng epekto ang pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo kung ang batayan ay ang kursong teknikal na pinili mo. Ang epekto nito ay direktang pinupuntirya ang pagkatao ng bawat Filipino. Ang masaklap nito, malamang sa malamang ay hindi na tayo makakapiglas sa paikot-ikot lang na pagbalewala sa Filipino at ang pagbibigay-pansin lamang sa Ingles. Habambuhay na lang na ayos lang na maging mali-mali sa Filipino basta dalubhasa ka sa Ingles. Habambuhay na ang tingin sa mga Inglesero at Inglesera’y mga matatalino’t sosyal. Habambuhay rin na tingin na kapag diretso kang magsalita ng Filipino’y ang lalim mo magsalital kahit hindi naman.

Babae 1: Do you where the powder room is? I need to change my apparel for the meeting later.

Reaksyon: Wow sosyal! Kailangan masigurong malinis ang CR!

Babae 2: Ate, pabili naman ako ng abaniko, ‘yung kulay bughaw.

Reaksyon: Grabe naman si ate, ang lalim mag-Tagalog.

            Mabuti pa siguro ang ibang sektor, hindi man pormal ang kanilang koneksyon sa gobyerno at akademya’y nakakapag-ambag sila ng mga bagong salita. Gaya na lang halimbawa ng- “jupang-pang, cheapangga, jongoloids, shokot, junakis atbp. [8] Ang pag-usbong ng ‘Beki’ language na mas nakakapagpakulay pa ng ating wika at angkop pa sa panahon natin ngayon.

Sana bago tuluyang maipatupad ang CMO 20, maisip ng CHED kung makabubuti ito sa pangkabuuan at panghinaharap ng bansa at hindi “for compliance lang.” Tiyak ang CMO 20 ang magbabali ng mga munting sanga na pagnalao’y pati katawan ng nagsisimula pa lamang na puno ng wikang Filipino. Kaya CHED, anetch, tsutsugihin niyo ba ang Filipino para bobonikles at ma-jubelita tayong lahat?

Sanggunian:

[1] 10 most memorable Melanie Marquez quotes from http://abs-cbnnews.com/entertainment/03/10/14/10-most-memorable-melanie-marquez-quotes

[2] Filipino, ang pambansang wikang dapat pang ipaglaban from http://www.gmanetwork.com/news/story/376423/opinion/blogs/filipino-ang-pambansang-wikang-dapat-pang-ipaglaban

[3] Ang Walang Katapusang Balitaktakan hinggil sa Wikang Pambansa at sa Wikang Panturo from http://www.dlsu.edu.ph/offices/mco/publications/2401/20071008.pdf

[4] Pamilya Migrasyon Disintegrasyon by Fanny A. Garcia

[5] THE 1987 CONSTITUTION OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES – ARTICLE XIV from www.gov.ph/constitutions/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-article-xiv/

[6] A look into CHED Memo No. 20-2013: The end of a language? from http://thelasallian.com/2014/08/15/a-look-into-ched-memo-no-20-2013-the-end-of-a-language/

[7] F_l_p_no ng mga F_l_p_no by Virgilio S. Almario

[8] BEKINARY – The BEKIMON Dictionary III from http://www.thepurplemanchronicles.com/2012/01/bekinary-bekimon-dictionary-iii.html

4 thoughts on “CHED Memorandum Order 20: Ang pagpatay sa wikang Filipino

  1. lubos akong nanghina matapos na mabasa..naway lahat ng Pilipino ay mamulat na hindi tayo magka-away sa wika.Anu’t anumanlahat tayo ay apektado.. pagtatatawanan… pagtatawanan… nasaan na ang sinasabing Pilipino sa isip sa wika at sa gawa..

  2. Tama po ang lahat ng inyong sinabi ..pagyamanin at paunlarin narinig ang wikang filipino upang madagdagan pa ang ating bokabularyo.. hindi galing sa pagbigkas ng ingles Ilang tayo ‘y umunlad,diskarte lang sa buhay ang kailangan..

  3. siguro kung ang filipino language ay mapalago pa natin na hindi nagdedepende o nagbabase sa ibang wika at ang pagtuturo nito sa mga paaralan ay maskaangkop-angkop sa mga kurso natin sa kolehiyo, masasabi ko na dapat ipaglaban talaga natin ang asignaturang ito. kung ginamit pa natin ang “alibata” edi mas mabigat pa sana ang dahilan kung bakit hindi dapat alisin ang asignaturang ito. Gusto mo pa bang pumasok sa klase mo sa Filipino kung ang leksyon ay “translated” lang galing sa ENGLISH?

Leave a Reply